Umaasa sa 2010

Tuwing nagpapalit ang taon, di ko maiwasang balikan ang nakalipas na mga taon sa aking buhay. Hindi ko maiwasang umasa at mag-alala, mangarap at magpasya. Naipaghahambing ko ang mga pangarap ko noon at ang aking mga napagpasyahan na tahaking landas.

Sa edad kong bente-kwatro,dapat kasal na ako, may sarili ng pagkakakitaan o kahit papaano may makakasama na sa aking pagtanda. Subalit *hehehe* madaming nangyayari, kaya mas pinili kong *kahit papaano* ay mabuhay ng simple. Pinipilit kong baguhin ang sarili ko sa paraang sana bandang huli ay matanggap ko mismo ang di na matutupad na mga plano at ang mga di na mababalikang pagpapasya.

Minsan iniisip ko tuloy kung tama nga ba ang aking naging desisyon. Mula sa aking trabaho hanggang sa mga nangyari sa aking mga relasyon. Malaki ang pagbabago sa bawat araw, sa bawat mensahe, sa bawat salita, sa bawat suliranin at sa marami pang ibang aspeto ng buhay. Natuto akong bitiwan ang ibang mga mahahalagang tao sa buhay ko. Hindi ko sinasadyang malimutan sila paminsan minsan at mas lalong di ko sinasadyang kalimutan ang iba ng tuluyan.

Sa bandang huli kasi, alam kong darating sa punto na kailangan kong harapin ang buhay mag-isa. Kailangang hindi ko iasa ang aking kaligayahan sa iba at kailangan rin matuto akong di mangarap lamang, kailangan kong gawin ang mga dapat gawin nang walang halong pag-aalinlangan.

Siguro nga malas ako sa taong 2009, unang araw pa lamang ay tila anino na nang aking buong taon. Madaming kaganapan sa bansa at madaming hindi nasagot na katanungan. Subalit madami din namang kalakasan na nagtulak sa akin para patuloy na tumugon sa pagkakataon. Madalas lang nagbibiro ang tadhana kaya't paulit-ulit akong bumabangon at nadadapa.

Sana nga sa taong ito, umaasa akong kahit papaano, nadadagdagan man ang aking edad, nadadagdagan ang mga pangyayaring sana nga ay makakapaghulma ito sa akin sa mga susunod pang mga taon.