Ang alaala ng EDSA PEOPLE POWER 1986 at ng Hacienda Lusita

Gumising ako kaninang umaga, na umiiyak ang aking ina. Lumuluha pala siya dahil sa pagpanaw ni Cory Aquino, nagtaka tuloy ako, kamag-anak ba namin siya? o close ba sila? Ang sabi naman niya, malaki ang naiaambag ni cory sa sambayanan, malaki ang naging pasasalamat ng pamilya ko sa kaniya, lalo na nung panahon ng batas militar.

Ako naman ay sanggol pa noon nang matapos ang batas militar. Hindi ko na nga maalala, kung hindi sa mga lumang litrato namin nung bata, ang 'L' na hand sign ng LABAN partyi, na ngayon ay madalas na ginagamit pang-asar. Naalala ko paborito ko noon ang kalendaryo namin noon, na pulos nakadilaw ang mga tao, habang nagmamartsa sa EDSA. Nakakapit bisig sila at nasa gitna si Cory. Kahit bata ako, napaintindi na sa akin na kung hindi dahil kay cory, di ko makakasama ang aking ama. :) Nagpapasalamat ako sa kaniya dahil doon.

Kaya hanggang kolehiyo iniidolo ko noon pa si Cory, Cardinal Sin at Lahat ng nakikita ko sa TV na may pinaglalaban. Alam ko ang kalayaan at kapayapaan ay mahalaga, at dahil sila ang nagsusulong nito hinahangaan ko sila. Bandang 2004 nabalitaan ko ang nangyari sa Hacienda Luisita. Nakilala ko ang mga magsasaka mula sa kwento at sa mga litrato na pinapadala ng mga kaibigan ko. Kahit na hindi ako nakasama sa pagpunta sa Tarlac, namulat ako sa katotohanang, hindi pa pala nagkakaroon ng tunay na kalayaan at kapayapaan sa Pilipinas. Hindi pala natapos ang batas militar noong namatay si Ninoy.

Nabawasan tuloy ang paghanga ko kay Cory noon. Pagmamay-ari ng mga cojuangco ang Hacienda Luisita at 9.50 sa isang linggo ang sinasahod ng mga manggawang magsasaka. Nakakadismaya, nakipagsabwatan pa sila sa militar para pahupain ang tensyon sa mga nag-aalsa. Nakakalungkot, hindi ba naalala ni Cory na 9 na beses nag coup 'd eta sa panunungkulan niya noon? Tapos hinayaan niyang pumanig sa kanila.

Sabi naman ng nanay ko, hindi naman siguro si Cory lang ang nagpasya noong panahong iyon, alam mo naman pag sa mga mayayamang pamilya ang mga kalalkihan ang nagpapasya sa usapin sa ari-arian. Siguro nga. Bakit nga ba hindi naging politiko si Kris Aquino?

Hinihintay na lang namin kanina sa balita kung saan ang burol niya, kasi gusto talaga pumunta ng pamilya ko.Biglang sinabi na mag vigil ang isang kompanya ng AFP tsaka isiningit ang mensahe ni Gloria. Ganda na naman ng speech, parang SONA lang. Mapapansin mong binabasa niya lang, at ni walang luhang namumuo sa gilid ng kanyang mga mata. Maganda sana, hindi lang makatotohanan at kung buhay si Cory baka magtaas siya ng "'L"na hand sign, hindi lang para sa LABAN kundi pati na rin sa LOOSER.

Sa kabuuan, pinagpupugayan at pinasasalamatan ko si Pangulong Cory Aquino, sa kaniyang patuloy na kritikal na pag-iingay sa maling pamamalakad sa gobyerno. At sa mga patuloy na tumutunggali at di sumasang-ayon sa CHA-CHA ni Gloria. Isang Taas Kamaong pagpupugay! Hustisya para sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre!


Huli na ito

Pasensya ka na di ko pa kayang bumati at mangamusta katulad ng dati. Pasensya na at hindi pa rin kinakalawang ang alaala ko. Naalala ko pa ang mga damit na suot mo noong una tayong magkita at ang paborito mong kulay. Maya’t maya ko pa rin binibisita ang multiply site mo. Kaya rin naman ako nag sign-in para tingnan ko binisita mo naman ang site ko. Madalas din chinecheck ang single’s love at couple’s love sa astrology.com, pampalubag loob lang.

Pasensya ka na, inaawit ko pa rin sa pagligo ang paborito nating kanta, yung madalas kong pinapakanta sayo bago ko matulog, kinakanta natin yun kahit paos na paos na tayo noon. Hindi ako makatulog pag di ko naririnig ang boses mo e. Hindi naman ako nagsasawa hanggang ngayon kahit ala na kong ka-duet.

Ni-riring ko pa rin ang lumang number mo, gabi-gabi kahit alam kong nagpalit ka na ng number. Baka sakaling makalusot. Baka sakaling magmiss call ka sa akin kung naalala mo pa number ko. Ina-add kita sa friendster pero di mo na ata chinecheck. Laos na din kasi.

Paunti-unti ko nang binubura ang mga litrato natin sa multiply at sa pc ko pati yung mga sulat natin inerase ko na. Yung mga messages sa cellphone ang di ko mabura, panu naman ala ng laman message inbox ng phone ko pag ganun. Apat na inbox kasi ang napuno ng pangalan mo. Hindi naman pwedeng iprint para mabalik balikan ko. Nga pala wag mo na sana ako itext pa, lalo na kung gamit ang number nya, respeto naman.

Pasensya ka na talaga ah, kasi hinihintay ko pa rin ang comment mo sa blog ko. Para naman malaman ko kung nabasa mo o kahit i-tag mo ko sa mga notes mo, yun nga lang iba na kasi ang nakalink sa profile mo. Napalitan lang nang isang letter ang pangalan ko. In a relationship na ang status mo ngayon. Sana man lang sinuper poke mo ko para nalaman ko. Kung sabagay nakapost naman sa homepage ko.

Mabait naman talaga siya ng makausap ko, mas matinong kausap. Hindi naman siguro kayo mag “MU” kasi madalas naman kayong mag “I love you” at “I miss you”, hula lang. Pasensya ah madalas kong sabihin din sayo kahit alam kong allergic ka sa mga salitang iyon, siguro magaling ka na ngayon. Di kasi ko makabili ng yakapsul at halikspirin, naubos ang pera ko sa text, tawag at round trip na airplane fare. Huwag kang mag-alaa hindi naman kita sisingilin. Salamat ah at natuto na akong maging “caLLoused”, “frozen” na nga ako sa drizzled na pangyayari sa mundong ito.

Siguro masaya ka naman ngayon kasi madaming nagmamahal sayo. Sana di lang kami ego trip kaya mo dinadagdagan ang listahan mo ng Flirt, MU, at Ex. Saan kaya ako nakabilang dun? Wag ka mahaggard kung dumagdag ako. Huli na din naman ito. Kahit papaano natuto naman ako. Akala ko kasi kakayanin pa natin at naiintindihan mo.Akala ko kasi masasanay ka na sa agwat. Akala ko kasi sinulit mo ang mga panahong magkasama tayo. Pampalubag loob pala un para di ka maguilty. Tapos na pala at hindi mo pala naintindihan.Sana nga maging ok na ang relasyon nyo, tumagal kahit papaano. Gusto ko man hangarin ang kaligayahan niyo. Sana ako naman maging masaya, masaya ka na naman e.

Totoo nga ang sabi nila

Tuwing nadaraan ang usapan sa pera
nangungulubot ang noo
humahaba ang mukha
asensado na ang aking mga tropa
payabangan ang eksena

Tuwing nangungumusta sa gawain
madalas absent o late
masisipag kasi sila
patibayan ang batayan
ng pagpapalaya

Tuwing nagbabalik-tanaw ng alaala
madalas nangingiwi
madalas nabablangko

paulit-ulit na mga problema
swerte sila at nakakatakas pa

tuwing nababagabag
wala akong magawa
totoo naman ang sabi nila
di sukatan ang pananatili sa aking pagpapasya
ang pagpapalaya ay hindi simpleng eksena

Reformat

Minsan naiisip ko sana computer na lang ako, kaya kong ireformat ang memory ko kung marami ng virus, pag naghahang na kaya kong irestart ang buong system ko, kaya kong maghibernate pag walang ginagawa, at megshut down pag wala na ko kailangang gawin.

Kaya nahihirapan talaga ko dati magcharcoal, ang hirap kasi burahin ang mga marka sa papel. Namamawis ang palad ko pag gumuguhit. Pero sa photoshop kaya kong mag undo pag nagkamali. Tapos pag di ko na gusto ang buong gawa ko pwedeng pwede akong mag new page palagi. Magsisimula na naman akong magisip.

Kung ganito lang sana. Hindi na ko na kailangan magisip ng sana, at magtataka sa tapos na. Hindi ko na buhat buhat ang sarili kong mundo at hindi na pulos salita ng pag-ibig ang panghihinayangan ko.

Sabi nga nila pag nababasa ang mga sinulat ko. Puro lang naman daw pag-ibig at politika. You just love..


Huminga ka

Sana di na lang ako umimik..
Tinakpan na lang ang aking bibig
Pumikit at nagsawalang kibo..

Sana hindi na lang ako nakarinig..
Walang pakiramdam
Walang namamalayan

Sana tanga na lang ako na walang naiintindihan
Sana hindi ako ganitong nasasaktan

Kung ikukubli ko ang lahat ng ngiti at tuwa
Kung iipitin ang lahat ng alaala
Kung makakalimutan ko lang kahit isang araw

Siguro masmadaling huminga
Siguro masmagaan ang aking nadarama
Siguro masmalaya sa mapanghusgang mga mata