May Bahid Halimuyak

Dalawang linggo lang ang ilalagi mo sa maynila,
Nililibot mo na ang buong lungsod,
Kinakabisado ang bawat kalye,
Binibilang ang mga barya,
Walang sawang takatak ng iyong telepono,
Ang bawat sandali ay mahalaga,

Bitbit mo ang iyong bag,
maya't maya ay kinakapa ang wallet
Binabalikan ang mga alaala
Kinabisado ang mga pangalan at mukha
Sumusulyap at Bumubuntong hininga

Panay-panay pa rin ang mensahe mo
maya't maya ang kamusta
Tinatawanan ang bawat sandali
Inaabangan ang bawat salita
Sinusulit ang bawat pagkakataon

Habang binabagtas ang kalsada ay
Inaawit ang mga awit ng paglaya
Nakatiklop ang iyong mga daliri sa aking kamay
Nakapasan ang iyong braso sa aking likuran
Namamaalam ang iyong tanaw
Nakamatyag ang bawat ngiti
Ninakaw ang lumilipas na panahon

Dalawang linggo lang ang ilalagi mo sa maynila,
Dalawang linggo na sana ay sasapat hanggang sa
pagbalik mo sa maynila

Tao po!

pasensya kung madalas ay pag-ibig ang aking tinatala.. yun lang kasi ang kaya ko munang sabihin.. pag seryoso kasi mahirap gawin madalas


Tao po


Tok! Tok! Tok!
walang sumasagot

kumakahol ang aso sa labas
Nakatitig ang mga tambay sa harap
Nag-uusisa

Wala naman

Di mapakali
Ang pinto ay nakasusi
Nakikiramdam
Baka may sumagot
Baka may magbukas ng pinto

Naninibago
Nag-iisip
Ala naman akong susi
Di ako makapasok

" wala ko masayod nganu imo kong gusto"

Ano raw?
di man ako sanay magbisaya
Kamot sa ulo

"ay tao po? pwede po pumasok?"

Labo
di na sumagot
Ayun umuwi na lang ako

bitbit ang balisang mukha
natunganga
ah.. ganun.. sige..

Ang ating Pagitan

Mga himig ng musika
nangungusap ng higit sa mga salita

Mga tula't talata
nagpapasidhi ng ating pangungulila

Mga katahimikan at pag-iisa
nagpapaalala sa ating musika

Mga tawagan
nagpapaalam sa huling patak ng sentimo

Mga yakap
Mga ngiti
Mga hawak
Mga bulungan
Mga saglit na sandali

Mga pagitan
Mga hinaharap
Mga patuloy
Mga pinagdadaanan

Magpakabuti ka

Nasa bingit ng kaba. Tumitiklop na ang aking noo dahil sa bigat ng aking paninindigan.

'Dapat daw kasi, para balang araw ay patuloy na paniwalaan.'

Madalas na kung sumikip ang aking dibdib di na dala ng alak o ng sigarilyo. Dala ng walang patid na pag-aalala, di sa pag-ibig kundi sa kinabukasan. Madalas man akong lutang, dinadahilan ko ay maraming lang problemang bumabagabag. Mahilig kasi ako magpalaki ng butas sa maliit na tastas.

'Baka nga pinapalala ko lang o sobra lang ako nagaalala'

Alintana ko ang daing ng aking ina..

"Magpakabuti ka, bilang mamamayan at bilang anak ng aking kabahayan. Matanda na ako, matanda na ako di ko na kayang gampanan ang pampinansyal na pangangailangan. Ikaw bata ka pa, marami ka pang iniisip, malayo pa ang ikakampay ng iyong mga pakpak para suungin ang iyong mga pangarap. Isukob mo kami sa iyong alintana. Isama mo kami sa iyong mga pangarap."

Hinalikan niya ang aking pisngi at nilapat ang mga salita sa aking tainga..

"Sinusuportahan ka namin sa iyong tinatahak na landas"

Mainit na yakap na dala ng kaniyang bisig, pampalakas ng loob. Di naman ako naiyak. Kinakabahan lang. Mas lalong bumigat ang aking nadarama, sanhi ng kaniyang pagtitiwala sa akin 'ang pinakamahusay niyang anak'.

Malabo na sa akin ang mga paliwanag ng aking mga kaibigan, parang sirang plaka ng kasagutan. Pero di pa rin nagbago ang aking inaasam. Bitbit ko ang pulso ng lipunan. Ipagapatuloy ko.

Para sa Minamahal kong Baliw na Saging

Maraming Salamat sa halos dalawang taong pagtiyatiyaga sa akin, ang pinakapasaway na ako. Salamat sa masasayang alaala at sa mga karanasang itinuro niyo sa akin. Ipinatimo niyo sa akin ang pagsunod sa simbuyo ng aking sining at damdamin. Ito ang naging dahilan ng aking patuloy na paglago bilang isang alagad ng sining.

Sa aking paglalakbay hindi mawawala ang mga aral at tutorials na ibinigay niyo sa akin. Ang mga tawanan at gaguhan, ang professionalism at punctualility na unti unti ko nang natutunan. Ito'y aking pag-iingatan at maslalo pang palalguin.

Mahirap man sa akin ang naging desisyon ko, dahil hilaw pa ko sa karanasan.
Di naman ako totally mawawala. Kailangan ko lang matutong mahinog mag-isa at mag-ayos ng mga bagay bagay ko sa buhay. Salamat ng marami sa lahat :)

Garantiya ng Pagbabalik

Pulos mukha ang aking ginuguhit
Pulos mukha ng pagaalala
Beer pa rin ang kaharap
Ang tanging kausap sa magdamag
Ilang ulit ko na ring tinanong dito
Ano ba ang saysay mo sa akin?
Kundi saglit na pagkalimot
kundi mapanglaw na mga mata
Lalong nagpapalabo sa mga tanong
habang hinihigop ng tiyan
ang droga ng mga nagmamahal

Datapwat hindi ito para lang sa isang iniirog
HIndi rin para lang sa sarili

para sa mga nakataas na kamo
para sa mga panindigan
para sa mga pagmamahal
kahit lumalabo na ang gabi
kahit sumusuray suray na sa daan
patuloy pa rin ang pagdagsa ng katanungan
patuloy pa rin ang nakakabagabag na kasagutan
Bakit kaya hindi ko ito matanggap hanggang sa ngayon?

Sa totoo lang
Hindi ko na kailangang magtanong
Hndi ko na kailangang malumbay
Dahil matagal ko nang alam ang kasagutan
Marahil hindi pa mahigpit ang pagkaka yakap ng aking bisig
Malayo pa ang pinapangarap ng aking mga mata
Hindi pa ganoong dumadaly ang kanilang dugo sa aking puso
Hindi ako magsasawang magmahal
Aalalahanin ko ang mga kasagutang sumsabog sa aking pagkatao

Tama nga sila
Hindi paalam ang sinasabi sa pag-alis
kahit katahimikang hatid ng nagliliyab na damdamin
ay sapat nang garantiya ng pagbabalik

Kamusta na?

Kamusta ka na?

Bitbit ko pa rin ang panyong ibinigay mo,
pinampunas sa aking pawis
Pinangtali sa buhok
Pinang takip sa aking mukha
Habang sabay sabay ang ating mga yabag
patungo sa mendiola

Hindi ko kinakalimutang labhan itiklop at itago
Kahit minsan ay naisasantabi ko
Hindi pa rin ako mapakali pag nawawala ito sa tukador ko

Hinahanap ka na rin pala ng pasumano ko
Nais daw niyang humimlay kang muli sa tabi nito
pagsabitan ng mga nilabhan mong damit o di kaya'y
pagpatungan lang ng maligamgam mong kape
minsan naman dumalaw ka

Bakit ang pait ng tsokolate?

Mapait ang tsokolate. Kahit paborito ko ito minsan nangingiwi na ang aking mukha sa sobrang pait nito. Pag ganito kasi puro ang cocoa at kaunti ang tamis. Hindi ko nga alam kung bakit ko ito kinakahiligan kahit alam kong sa kakain ko nito ay maari akong mamatay sa sakit sa puso. Pero parang kape, lalong sumasarap ang tsokolate dahil sa mapait na lasa nito. Siguro depende na lang sa tao kung anu ang ihahalo niya sa mainit, nakakapaso, malinamnam, nakkaginhawang tsokolate. Sanay ngiti sa bawat labi ng titikim nito. Kaysa sa pait na kadalasang nararanasan ko.