Showing posts with label Diary. Show all posts
Showing posts with label Diary. Show all posts

Huminga ka

Sana di na lang ako umimik..
Tinakpan na lang ang aking bibig
Pumikit at nagsawalang kibo..

Sana hindi na lang ako nakarinig..
Walang pakiramdam
Walang namamalayan

Sana tanga na lang ako na walang naiintindihan
Sana hindi ako ganitong nasasaktan

Kung ikukubli ko ang lahat ng ngiti at tuwa
Kung iipitin ang lahat ng alaala
Kung makakalimutan ko lang kahit isang araw

Siguro masmadaling huminga
Siguro masmagaan ang aking nadarama
Siguro masmalaya sa mapanghusgang mga mata

Magpakabuti ka

Nasa bingit ng kaba. Tumitiklop na ang aking noo dahil sa bigat ng aking paninindigan.

'Dapat daw kasi, para balang araw ay patuloy na paniwalaan.'

Madalas na kung sumikip ang aking dibdib di na dala ng alak o ng sigarilyo. Dala ng walang patid na pag-aalala, di sa pag-ibig kundi sa kinabukasan. Madalas man akong lutang, dinadahilan ko ay maraming lang problemang bumabagabag. Mahilig kasi ako magpalaki ng butas sa maliit na tastas.

'Baka nga pinapalala ko lang o sobra lang ako nagaalala'

Alintana ko ang daing ng aking ina..

"Magpakabuti ka, bilang mamamayan at bilang anak ng aking kabahayan. Matanda na ako, matanda na ako di ko na kayang gampanan ang pampinansyal na pangangailangan. Ikaw bata ka pa, marami ka pang iniisip, malayo pa ang ikakampay ng iyong mga pakpak para suungin ang iyong mga pangarap. Isukob mo kami sa iyong alintana. Isama mo kami sa iyong mga pangarap."

Hinalikan niya ang aking pisngi at nilapat ang mga salita sa aking tainga..

"Sinusuportahan ka namin sa iyong tinatahak na landas"

Mainit na yakap na dala ng kaniyang bisig, pampalakas ng loob. Di naman ako naiyak. Kinakabahan lang. Mas lalong bumigat ang aking nadarama, sanhi ng kaniyang pagtitiwala sa akin 'ang pinakamahusay niyang anak'.

Malabo na sa akin ang mga paliwanag ng aking mga kaibigan, parang sirang plaka ng kasagutan. Pero di pa rin nagbago ang aking inaasam. Bitbit ko ang pulso ng lipunan. Ipagapatuloy ko.

Bakit ang pait ng tsokolate?

Mapait ang tsokolate. Kahit paborito ko ito minsan nangingiwi na ang aking mukha sa sobrang pait nito. Pag ganito kasi puro ang cocoa at kaunti ang tamis. Hindi ko nga alam kung bakit ko ito kinakahiligan kahit alam kong sa kakain ko nito ay maari akong mamatay sa sakit sa puso. Pero parang kape, lalong sumasarap ang tsokolate dahil sa mapait na lasa nito. Siguro depende na lang sa tao kung anu ang ihahalo niya sa mainit, nakakapaso, malinamnam, nakkaginhawang tsokolate. Sanay ngiti sa bawat labi ng titikim nito. Kaysa sa pait na kadalasang nararanasan ko.

Ang huling gabi sa aking Pasumano

Malamig ang gabi. Kakatapos lang ng ulan. Malamig ang hamog na nanatili sa hangin. Inabot ako ng kalungkutan sa pagdampi ng hangin sa aking pisngi. Namuo ang asin sa gilid ng aking mata.

Sabay ng pagtulo nito ay ang pagtaas ng usok sa labas ng aking bintana. Nananatili pa rin ang katahimikan, habang pinipilit kong takpan ng mga paborito kong musika.

A, ito na ang huli kong paghimlay sa aking silid, hindi na ako makakatuntong muli sa aking pasumano. Kung saan tuwing umaga ay nilalagyan ko ng unan at pinapatungan ng kape habang masayang binabati ang bukang liwayway.

Mahaba rin ang pinagsamahan namin. Mula sa madalas na kwentuhan ng aking mga pinakamatalik na kaibigan, dahil tinatamad kaming gumising. Hinihintay naming masikatan ang buong silid ng sinag ng araw bago kami mapilitang tumayo. Uutusan na si Tin na kumuha ng kape at sabay na kaming magkwekwentuhan kung ano ang balak namin sa araw na iyon.

Hanggang sa gabi ng paghimlay kasama ang hindi ko makalimutang panaginip. Iisa lamang ang naitago kong litrato kasama siya. At alam kong hindi na iyon mauulit.

Kasabay ng aking pag-iwan sa pasumano ay ang pagtago sa mga alaalang nanatili pa rin sa aking isipan. Siguro nga masyado akong sentimental. Pero hindi ko maalis ang damdaming ito. Matagal akong makakalimot ng ganitong mga alaala. Mahirap sa akin ang pagbitiw. At dahil doon isang dekada ng mga papel mula sa aking mga guhit hanggang sa mga sulat ang aking kailangan nang sunugin. Hindi na raw kailangan ng kalat sa bago naming lilipatan sabi ng ina ko.

Siguro nga, siguro nga kailangan ko nang makakalimot. Paalam aking pasumano. Mananatili ka sa aking mga ipipinta. At kung sakaling magkaroon ako ng sariling bahay. Katulad ng pasumanong ito ang aking ipapagawa. ##

hindi man laging ganito...

"it may not always be so…"

ni ee cummings

it may not always be so; and I say
that if your lips,which I have loved, should
touch another’s, and your dear strong fingers clutch
his heart, as mine in time not far away;
if on another’s face your sweet hair lay
in such a silence as I know, or such
great writhing words as, uttering overmuch,
stand helplessly before the spirit at bay;
if this should be, i say if this should be-
you of my heart, send me a little word;
that I may go unto him, and take his hands,
saying, Accept all happiness from me.
Then shall I turn my face, and hear one bird
sing terribly afar in the lost lands.
unlove’s the heavenless hell and homeless home
…lovers alone wear sunlight.

"hindi man laging ganito…"

hindi man laging ganito; at aking sinasabi
na kung ang iyong mga labi,na aking minahal,
sakaling dumampi sa iba,
at buong-loob na sakupin ng iyong mga daliri
ang kanyang puso, tulad ng akin noong kailan lamang;
kung sa ibang mukha lumapag ang iyong masamyong buhok
sa taimtim na katamihikan na batid ko, o
lubhang nakasasakit na mga salita, labis-labis pang binibigkas,
kaawa-awang titindig sa harap ng sinukol na diwa;
kung sakaling ganito, at aking sinasabi
kung sakali ngang ganito-
ikaw ng aking puso, balitaan mo ako;
nang maari akong tumungo sa kanya,
at tanganin ang kanyang mga kamay, nagsasabing,
Tanggapin mo ang lahat ng kaligayahan mula sa akin.
ililingon ko ang aking mukha, at mauulinigan
ang nakakikilabot na iyak ng isang ibon sa malayong kasukalan.
ako’y hindi na iniibig
ang impyernong walang langit at tahanang walang tahanan
…mga magkasintahan lamang ang nanamit ng liwanag ng araw.

[http://ragingrivers.blog.friendster.com/]