Ang huling gabi sa aking Pasumano

Malamig ang gabi. Kakatapos lang ng ulan. Malamig ang hamog na nanatili sa hangin. Inabot ako ng kalungkutan sa pagdampi ng hangin sa aking pisngi. Namuo ang asin sa gilid ng aking mata.

Sabay ng pagtulo nito ay ang pagtaas ng usok sa labas ng aking bintana. Nananatili pa rin ang katahimikan, habang pinipilit kong takpan ng mga paborito kong musika.

A, ito na ang huli kong paghimlay sa aking silid, hindi na ako makakatuntong muli sa aking pasumano. Kung saan tuwing umaga ay nilalagyan ko ng unan at pinapatungan ng kape habang masayang binabati ang bukang liwayway.

Mahaba rin ang pinagsamahan namin. Mula sa madalas na kwentuhan ng aking mga pinakamatalik na kaibigan, dahil tinatamad kaming gumising. Hinihintay naming masikatan ang buong silid ng sinag ng araw bago kami mapilitang tumayo. Uutusan na si Tin na kumuha ng kape at sabay na kaming magkwekwentuhan kung ano ang balak namin sa araw na iyon.

Hanggang sa gabi ng paghimlay kasama ang hindi ko makalimutang panaginip. Iisa lamang ang naitago kong litrato kasama siya. At alam kong hindi na iyon mauulit.

Kasabay ng aking pag-iwan sa pasumano ay ang pagtago sa mga alaalang nanatili pa rin sa aking isipan. Siguro nga masyado akong sentimental. Pero hindi ko maalis ang damdaming ito. Matagal akong makakalimot ng ganitong mga alaala. Mahirap sa akin ang pagbitiw. At dahil doon isang dekada ng mga papel mula sa aking mga guhit hanggang sa mga sulat ang aking kailangan nang sunugin. Hindi na raw kailangan ng kalat sa bago naming lilipatan sabi ng ina ko.

Siguro nga, siguro nga kailangan ko nang makakalimot. Paalam aking pasumano. Mananatili ka sa aking mga ipipinta. At kung sakaling magkaroon ako ng sariling bahay. Katulad ng pasumanong ito ang aking ipapagawa. ##

0 sige i-cheka mo: