Garantiya ng Pagbabalik

Pulos mukha ang aking ginuguhit
Pulos mukha ng pagaalala
Beer pa rin ang kaharap
Ang tanging kausap sa magdamag
Ilang ulit ko na ring tinanong dito
Ano ba ang saysay mo sa akin?
Kundi saglit na pagkalimot
kundi mapanglaw na mga mata
Lalong nagpapalabo sa mga tanong
habang hinihigop ng tiyan
ang droga ng mga nagmamahal

Datapwat hindi ito para lang sa isang iniirog
HIndi rin para lang sa sarili

para sa mga nakataas na kamo
para sa mga panindigan
para sa mga pagmamahal
kahit lumalabo na ang gabi
kahit sumusuray suray na sa daan
patuloy pa rin ang pagdagsa ng katanungan
patuloy pa rin ang nakakabagabag na kasagutan
Bakit kaya hindi ko ito matanggap hanggang sa ngayon?

Sa totoo lang
Hindi ko na kailangang magtanong
Hndi ko na kailangang malumbay
Dahil matagal ko nang alam ang kasagutan
Marahil hindi pa mahigpit ang pagkaka yakap ng aking bisig
Malayo pa ang pinapangarap ng aking mga mata
Hindi pa ganoong dumadaly ang kanilang dugo sa aking puso
Hindi ako magsasawang magmahal
Aalalahanin ko ang mga kasagutang sumsabog sa aking pagkatao

Tama nga sila
Hindi paalam ang sinasabi sa pag-alis
kahit katahimikang hatid ng nagliliyab na damdamin
ay sapat nang garantiya ng pagbabalik

Kamusta na?

Kamusta ka na?

Bitbit ko pa rin ang panyong ibinigay mo,
pinampunas sa aking pawis
Pinangtali sa buhok
Pinang takip sa aking mukha
Habang sabay sabay ang ating mga yabag
patungo sa mendiola

Hindi ko kinakalimutang labhan itiklop at itago
Kahit minsan ay naisasantabi ko
Hindi pa rin ako mapakali pag nawawala ito sa tukador ko

Hinahanap ka na rin pala ng pasumano ko
Nais daw niyang humimlay kang muli sa tabi nito
pagsabitan ng mga nilabhan mong damit o di kaya'y
pagpatungan lang ng maligamgam mong kape
minsan naman dumalaw ka

Bakit ang pait ng tsokolate?

Mapait ang tsokolate. Kahit paborito ko ito minsan nangingiwi na ang aking mukha sa sobrang pait nito. Pag ganito kasi puro ang cocoa at kaunti ang tamis. Hindi ko nga alam kung bakit ko ito kinakahiligan kahit alam kong sa kakain ko nito ay maari akong mamatay sa sakit sa puso. Pero parang kape, lalong sumasarap ang tsokolate dahil sa mapait na lasa nito. Siguro depende na lang sa tao kung anu ang ihahalo niya sa mainit, nakakapaso, malinamnam, nakkaginhawang tsokolate. Sanay ngiti sa bawat labi ng titikim nito. Kaysa sa pait na kadalasang nararanasan ko.

Ang huling gabi sa aking Pasumano

Malamig ang gabi. Kakatapos lang ng ulan. Malamig ang hamog na nanatili sa hangin. Inabot ako ng kalungkutan sa pagdampi ng hangin sa aking pisngi. Namuo ang asin sa gilid ng aking mata.

Sabay ng pagtulo nito ay ang pagtaas ng usok sa labas ng aking bintana. Nananatili pa rin ang katahimikan, habang pinipilit kong takpan ng mga paborito kong musika.

A, ito na ang huli kong paghimlay sa aking silid, hindi na ako makakatuntong muli sa aking pasumano. Kung saan tuwing umaga ay nilalagyan ko ng unan at pinapatungan ng kape habang masayang binabati ang bukang liwayway.

Mahaba rin ang pinagsamahan namin. Mula sa madalas na kwentuhan ng aking mga pinakamatalik na kaibigan, dahil tinatamad kaming gumising. Hinihintay naming masikatan ang buong silid ng sinag ng araw bago kami mapilitang tumayo. Uutusan na si Tin na kumuha ng kape at sabay na kaming magkwekwentuhan kung ano ang balak namin sa araw na iyon.

Hanggang sa gabi ng paghimlay kasama ang hindi ko makalimutang panaginip. Iisa lamang ang naitago kong litrato kasama siya. At alam kong hindi na iyon mauulit.

Kasabay ng aking pag-iwan sa pasumano ay ang pagtago sa mga alaalang nanatili pa rin sa aking isipan. Siguro nga masyado akong sentimental. Pero hindi ko maalis ang damdaming ito. Matagal akong makakalimot ng ganitong mga alaala. Mahirap sa akin ang pagbitiw. At dahil doon isang dekada ng mga papel mula sa aking mga guhit hanggang sa mga sulat ang aking kailangan nang sunugin. Hindi na raw kailangan ng kalat sa bago naming lilipatan sabi ng ina ko.

Siguro nga, siguro nga kailangan ko nang makakalimot. Paalam aking pasumano. Mananatili ka sa aking mga ipipinta. At kung sakaling magkaroon ako ng sariling bahay. Katulad ng pasumanong ito ang aking ipapagawa. ##

Text

Kung yaring buhay ko ay silid na munti,
bukodtanging ikaw ang magmamay-ari
alak ng ligaya ang hain palagi,
sa ibang anyaya pinto'y nakasusi

A, walangpagsintang ligtas sa pighati.
Mahahabang gabing ako'y iyong tintakot
ng iyong paglimot,ngunit iya'y
luksang panibugho ng aking pag-irog

~Amado V. Hernandez