Magpakabuti ka

Nasa bingit ng kaba. Tumitiklop na ang aking noo dahil sa bigat ng aking paninindigan.

'Dapat daw kasi, para balang araw ay patuloy na paniwalaan.'

Madalas na kung sumikip ang aking dibdib di na dala ng alak o ng sigarilyo. Dala ng walang patid na pag-aalala, di sa pag-ibig kundi sa kinabukasan. Madalas man akong lutang, dinadahilan ko ay maraming lang problemang bumabagabag. Mahilig kasi ako magpalaki ng butas sa maliit na tastas.

'Baka nga pinapalala ko lang o sobra lang ako nagaalala'

Alintana ko ang daing ng aking ina..

"Magpakabuti ka, bilang mamamayan at bilang anak ng aking kabahayan. Matanda na ako, matanda na ako di ko na kayang gampanan ang pampinansyal na pangangailangan. Ikaw bata ka pa, marami ka pang iniisip, malayo pa ang ikakampay ng iyong mga pakpak para suungin ang iyong mga pangarap. Isukob mo kami sa iyong alintana. Isama mo kami sa iyong mga pangarap."

Hinalikan niya ang aking pisngi at nilapat ang mga salita sa aking tainga..

"Sinusuportahan ka namin sa iyong tinatahak na landas"

Mainit na yakap na dala ng kaniyang bisig, pampalakas ng loob. Di naman ako naiyak. Kinakabahan lang. Mas lalong bumigat ang aking nadarama, sanhi ng kaniyang pagtitiwala sa akin 'ang pinakamahusay niyang anak'.

Malabo na sa akin ang mga paliwanag ng aking mga kaibigan, parang sirang plaka ng kasagutan. Pero di pa rin nagbago ang aking inaasam. Bitbit ko ang pulso ng lipunan. Ipagapatuloy ko.

0 sige i-cheka mo: