para sa isang linggo

Anarkiya sa relasyon nasa bingit nang muntik-muntikanan na sa bawat di inaasahang saglit nasusungkit ko ang daplis ng iyong ngiti Amg bawat dampi na hindi ko inaasahang ngiti aabot sa nanahimik kong bisig at sa bawat daplis ng ng mahal kita ay isang uniberso ng katotohanan

inconsistency

I know it's bound to end. I accept it.

I love you...
But I must let you go...

We'll see each other, someday...
And I'll hug you like an old friend...
Smile at you..
and thank you for
that day, I don't know when..


Sa iyo-- na may marka ng kalayaan

Inihapag ko na ang lahat

Ang aking pagdududa't pangamba,
Ang aking sigarilyong unti-unting naabo,
Ang aking nakaraang, lumipas na lang,
hindi naman kumonot ang iyong noo
wala naman halong pakla ang iyong labi
magaan mo itong isinilid
at inipon sa iyong mga palad

Inilibot kita sa buong kalunsuran,
sa saglit na pagsakay at pagbaba sa ating biyahe
habang nakakapit ang iyong daliri sa aking kamay
kinakabisado ko ang iyong mukha,
Babaunin ko ito,
kakamustahin,
papanaginipan,
para pagdating ng susunod na buwan
ay tantyado ko na ang mga marka ng aking pagsinta

Inabot mo sa akin ang iyong iniisip
Ibinalot ng mga kwento
Inihabi sa mga tula
atsaka ipinarinig ang iyong tinig
na may aliw-iw ng dagat
ng kalayaan at ng pag-asa
"magkikita tayong muli"
sabi mo
naramdaman ko ang pisil sa aking pisngi
dumaplis sa hangin ang iyong halimuyak
at mula sa kinaroroonan mo ay humampas
ang iyong saglit na pamamalagi sa aking gunita

Sa iyo-- na may marka ng kalayaan
Gusto kong habulin ang malaking ibon
na inangkasan mo sa iyong paglayo
Sana'y mabigat na ang kaniyang inaakay
para hindi ka na lang niya pinasan
O di kaya'y habang naghahanda
pumahimpapawid
ay naikulong kitang muli sa aking mga bisig

sa akin-- ka na muna..
Kahit kaunti pang saglit..
kahit ngayon lang
kahit hanggang mamaya
kahit hanggang bukas..

Ang kasawian ay hindi repleksyon ng kahinaan

Ngayong halalan, ating maitatala sa numero ang tatlong buwang pinaghandaang pagod. Dito, atin nang masasalat ang mga pangako, plataporma at mga pahayag na nagmula sa ating napiling kandidato. Dito, atin nang hahamunin ang lahat ng bagong mauupo.


Para kay Aquino: hamon ko ay hustisya at lupa, para sa libo-libong magsasaka sa kaniyang mga hacienda. Hamon kong gawan ng paraan ang problema ng bayan sa sahod (patas at nakabubuhay) , trabaho (disente at regular na trabaho para sa mga manggagawa), edukasyon (libre at dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas) at karapatang pantao (buksan muli ang peace talks at hustisya para sa mga biktima ng pampolitikang pamamaslang). Tapusin ang VFA (para sa karapatan ng kababaihan at ng mga OFW sa loob at labas ng bansa) at magpatupad ng programa para sa pambansang industrialisasyon (tanggalin ang EVAT at RVAT, magkaroon ng masmataas na prayoridad sa batayang pangangailangan ng bansa katulad ng bigas, kuryente, patubig, pabahay atbp).


Pagkatapos ng labin-dalawang oras ng pagbabantay ng boto, mula sa magulong proseso ng pagsusubo ng balota sa pcos machine, sa mga di nakaboto dahil sa nawawala ang pangalan sa listahan, sa mga nanginginig at pinapasmang kamay, sa mga nagbubugan sa gitna ng pila, sa mga nang-away ng BEI, sa mga sirang PCOS machine, stampede sa bilangan, barilan sa ibang lugar at marami pang iba karanasan na nakatala na sa kasaysayan at sa puso nang mga sumubaybay at kahit papaano ay umaasang may mangyayaring pagbabago. Hindi ang halalang ito ang sagot sa ating inaasam na pagbabago, at silang mauupo ay may malaking katungkulan na tuparin at sumalungat sa kinasanayan nang sistema sa gobyerno. Nasa ating kamay pa rin ang pagigiit at pagbabantay sa kanilang susumpaang tungkulin.


Kahit na hindi ako nakaboto, at hindi nanalo ang mga gusto kong kandidato, umaasa pa rin akong sila ang mga masnararapat na maupo sa puwesto dahil sa kanilang pagsusulong ng tunay na platapormang magsisilbi sa bayan. Hindi lang ito usapin ng pag-asa at paglaban o ng magandang laban, ito ay dapat lapat sa lupa at tuloy-tuloy na paglaban.


“ hindi bawal mangarap ang mahirap, basta’t may tiwala sa maykapal at may panindigan..”


Ang kasawian ay di repleksiyon ng kahinaan, ito’y pagpapatuloy ng ating nasimulan. Ito’y simula ng tunay na laban para sa tunay na pagbabago. Hindi lang ang mga nakadilaw ang bayani. Tayo na patuloy na nangangarap ang magpapasya sa ating hinaharap.

Umaasa sa 2010

Tuwing nagpapalit ang taon, di ko maiwasang balikan ang nakalipas na mga taon sa aking buhay. Hindi ko maiwasang umasa at mag-alala, mangarap at magpasya. Naipaghahambing ko ang mga pangarap ko noon at ang aking mga napagpasyahan na tahaking landas.

Sa edad kong bente-kwatro,dapat kasal na ako, may sarili ng pagkakakitaan o kahit papaano may makakasama na sa aking pagtanda. Subalit *hehehe* madaming nangyayari, kaya mas pinili kong *kahit papaano* ay mabuhay ng simple. Pinipilit kong baguhin ang sarili ko sa paraang sana bandang huli ay matanggap ko mismo ang di na matutupad na mga plano at ang mga di na mababalikang pagpapasya.

Minsan iniisip ko tuloy kung tama nga ba ang aking naging desisyon. Mula sa aking trabaho hanggang sa mga nangyari sa aking mga relasyon. Malaki ang pagbabago sa bawat araw, sa bawat mensahe, sa bawat salita, sa bawat suliranin at sa marami pang ibang aspeto ng buhay. Natuto akong bitiwan ang ibang mga mahahalagang tao sa buhay ko. Hindi ko sinasadyang malimutan sila paminsan minsan at mas lalong di ko sinasadyang kalimutan ang iba ng tuluyan.

Sa bandang huli kasi, alam kong darating sa punto na kailangan kong harapin ang buhay mag-isa. Kailangang hindi ko iasa ang aking kaligayahan sa iba at kailangan rin matuto akong di mangarap lamang, kailangan kong gawin ang mga dapat gawin nang walang halong pag-aalinlangan.

Siguro nga malas ako sa taong 2009, unang araw pa lamang ay tila anino na nang aking buong taon. Madaming kaganapan sa bansa at madaming hindi nasagot na katanungan. Subalit madami din namang kalakasan na nagtulak sa akin para patuloy na tumugon sa pagkakataon. Madalas lang nagbibiro ang tadhana kaya't paulit-ulit akong bumabangon at nadadapa.

Sana nga sa taong ito, umaasa akong kahit papaano, nadadagdagan man ang aking edad, nadadagdagan ang mga pangyayaring sana nga ay makakapaghulma ito sa akin sa mga susunod pang mga taon.

Ang alaala ng EDSA PEOPLE POWER 1986 at ng Hacienda Lusita

Gumising ako kaninang umaga, na umiiyak ang aking ina. Lumuluha pala siya dahil sa pagpanaw ni Cory Aquino, nagtaka tuloy ako, kamag-anak ba namin siya? o close ba sila? Ang sabi naman niya, malaki ang naiaambag ni cory sa sambayanan, malaki ang naging pasasalamat ng pamilya ko sa kaniya, lalo na nung panahon ng batas militar.

Ako naman ay sanggol pa noon nang matapos ang batas militar. Hindi ko na nga maalala, kung hindi sa mga lumang litrato namin nung bata, ang 'L' na hand sign ng LABAN partyi, na ngayon ay madalas na ginagamit pang-asar. Naalala ko paborito ko noon ang kalendaryo namin noon, na pulos nakadilaw ang mga tao, habang nagmamartsa sa EDSA. Nakakapit bisig sila at nasa gitna si Cory. Kahit bata ako, napaintindi na sa akin na kung hindi dahil kay cory, di ko makakasama ang aking ama. :) Nagpapasalamat ako sa kaniya dahil doon.

Kaya hanggang kolehiyo iniidolo ko noon pa si Cory, Cardinal Sin at Lahat ng nakikita ko sa TV na may pinaglalaban. Alam ko ang kalayaan at kapayapaan ay mahalaga, at dahil sila ang nagsusulong nito hinahangaan ko sila. Bandang 2004 nabalitaan ko ang nangyari sa Hacienda Luisita. Nakilala ko ang mga magsasaka mula sa kwento at sa mga litrato na pinapadala ng mga kaibigan ko. Kahit na hindi ako nakasama sa pagpunta sa Tarlac, namulat ako sa katotohanang, hindi pa pala nagkakaroon ng tunay na kalayaan at kapayapaan sa Pilipinas. Hindi pala natapos ang batas militar noong namatay si Ninoy.

Nabawasan tuloy ang paghanga ko kay Cory noon. Pagmamay-ari ng mga cojuangco ang Hacienda Luisita at 9.50 sa isang linggo ang sinasahod ng mga manggawang magsasaka. Nakakadismaya, nakipagsabwatan pa sila sa militar para pahupain ang tensyon sa mga nag-aalsa. Nakakalungkot, hindi ba naalala ni Cory na 9 na beses nag coup 'd eta sa panunungkulan niya noon? Tapos hinayaan niyang pumanig sa kanila.

Sabi naman ng nanay ko, hindi naman siguro si Cory lang ang nagpasya noong panahong iyon, alam mo naman pag sa mga mayayamang pamilya ang mga kalalkihan ang nagpapasya sa usapin sa ari-arian. Siguro nga. Bakit nga ba hindi naging politiko si Kris Aquino?

Hinihintay na lang namin kanina sa balita kung saan ang burol niya, kasi gusto talaga pumunta ng pamilya ko.Biglang sinabi na mag vigil ang isang kompanya ng AFP tsaka isiningit ang mensahe ni Gloria. Ganda na naman ng speech, parang SONA lang. Mapapansin mong binabasa niya lang, at ni walang luhang namumuo sa gilid ng kanyang mga mata. Maganda sana, hindi lang makatotohanan at kung buhay si Cory baka magtaas siya ng "'L"na hand sign, hindi lang para sa LABAN kundi pati na rin sa LOOSER.

Sa kabuuan, pinagpupugayan at pinasasalamatan ko si Pangulong Cory Aquino, sa kaniyang patuloy na kritikal na pag-iingay sa maling pamamalakad sa gobyerno. At sa mga patuloy na tumutunggali at di sumasang-ayon sa CHA-CHA ni Gloria. Isang Taas Kamaong pagpupugay! Hustisya para sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre!


Huli na ito

Pasensya ka na di ko pa kayang bumati at mangamusta katulad ng dati. Pasensya na at hindi pa rin kinakalawang ang alaala ko. Naalala ko pa ang mga damit na suot mo noong una tayong magkita at ang paborito mong kulay. Maya’t maya ko pa rin binibisita ang multiply site mo. Kaya rin naman ako nag sign-in para tingnan ko binisita mo naman ang site ko. Madalas din chinecheck ang single’s love at couple’s love sa astrology.com, pampalubag loob lang.

Pasensya ka na, inaawit ko pa rin sa pagligo ang paborito nating kanta, yung madalas kong pinapakanta sayo bago ko matulog, kinakanta natin yun kahit paos na paos na tayo noon. Hindi ako makatulog pag di ko naririnig ang boses mo e. Hindi naman ako nagsasawa hanggang ngayon kahit ala na kong ka-duet.

Ni-riring ko pa rin ang lumang number mo, gabi-gabi kahit alam kong nagpalit ka na ng number. Baka sakaling makalusot. Baka sakaling magmiss call ka sa akin kung naalala mo pa number ko. Ina-add kita sa friendster pero di mo na ata chinecheck. Laos na din kasi.

Paunti-unti ko nang binubura ang mga litrato natin sa multiply at sa pc ko pati yung mga sulat natin inerase ko na. Yung mga messages sa cellphone ang di ko mabura, panu naman ala ng laman message inbox ng phone ko pag ganun. Apat na inbox kasi ang napuno ng pangalan mo. Hindi naman pwedeng iprint para mabalik balikan ko. Nga pala wag mo na sana ako itext pa, lalo na kung gamit ang number nya, respeto naman.

Pasensya ka na talaga ah, kasi hinihintay ko pa rin ang comment mo sa blog ko. Para naman malaman ko kung nabasa mo o kahit i-tag mo ko sa mga notes mo, yun nga lang iba na kasi ang nakalink sa profile mo. Napalitan lang nang isang letter ang pangalan ko. In a relationship na ang status mo ngayon. Sana man lang sinuper poke mo ko para nalaman ko. Kung sabagay nakapost naman sa homepage ko.

Mabait naman talaga siya ng makausap ko, mas matinong kausap. Hindi naman siguro kayo mag “MU” kasi madalas naman kayong mag “I love you” at “I miss you”, hula lang. Pasensya ah madalas kong sabihin din sayo kahit alam kong allergic ka sa mga salitang iyon, siguro magaling ka na ngayon. Di kasi ko makabili ng yakapsul at halikspirin, naubos ang pera ko sa text, tawag at round trip na airplane fare. Huwag kang mag-alaa hindi naman kita sisingilin. Salamat ah at natuto na akong maging “caLLoused”, “frozen” na nga ako sa drizzled na pangyayari sa mundong ito.

Siguro masaya ka naman ngayon kasi madaming nagmamahal sayo. Sana di lang kami ego trip kaya mo dinadagdagan ang listahan mo ng Flirt, MU, at Ex. Saan kaya ako nakabilang dun? Wag ka mahaggard kung dumagdag ako. Huli na din naman ito. Kahit papaano natuto naman ako. Akala ko kasi kakayanin pa natin at naiintindihan mo.Akala ko kasi masasanay ka na sa agwat. Akala ko kasi sinulit mo ang mga panahong magkasama tayo. Pampalubag loob pala un para di ka maguilty. Tapos na pala at hindi mo pala naintindihan.Sana nga maging ok na ang relasyon nyo, tumagal kahit papaano. Gusto ko man hangarin ang kaligayahan niyo. Sana ako naman maging masaya, masaya ka na naman e.

Totoo nga ang sabi nila

Tuwing nadaraan ang usapan sa pera
nangungulubot ang noo
humahaba ang mukha
asensado na ang aking mga tropa
payabangan ang eksena

Tuwing nangungumusta sa gawain
madalas absent o late
masisipag kasi sila
patibayan ang batayan
ng pagpapalaya

Tuwing nagbabalik-tanaw ng alaala
madalas nangingiwi
madalas nabablangko

paulit-ulit na mga problema
swerte sila at nakakatakas pa

tuwing nababagabag
wala akong magawa
totoo naman ang sabi nila
di sukatan ang pananatili sa aking pagpapasya
ang pagpapalaya ay hindi simpleng eksena

Reformat

Minsan naiisip ko sana computer na lang ako, kaya kong ireformat ang memory ko kung marami ng virus, pag naghahang na kaya kong irestart ang buong system ko, kaya kong maghibernate pag walang ginagawa, at megshut down pag wala na ko kailangang gawin.

Kaya nahihirapan talaga ko dati magcharcoal, ang hirap kasi burahin ang mga marka sa papel. Namamawis ang palad ko pag gumuguhit. Pero sa photoshop kaya kong mag undo pag nagkamali. Tapos pag di ko na gusto ang buong gawa ko pwedeng pwede akong mag new page palagi. Magsisimula na naman akong magisip.

Kung ganito lang sana. Hindi na ko na kailangan magisip ng sana, at magtataka sa tapos na. Hindi ko na buhat buhat ang sarili kong mundo at hindi na pulos salita ng pag-ibig ang panghihinayangan ko.

Sabi nga nila pag nababasa ang mga sinulat ko. Puro lang naman daw pag-ibig at politika. You just love..


Huminga ka

Sana di na lang ako umimik..
Tinakpan na lang ang aking bibig
Pumikit at nagsawalang kibo..

Sana hindi na lang ako nakarinig..
Walang pakiramdam
Walang namamalayan

Sana tanga na lang ako na walang naiintindihan
Sana hindi ako ganitong nasasaktan

Kung ikukubli ko ang lahat ng ngiti at tuwa
Kung iipitin ang lahat ng alaala
Kung makakalimutan ko lang kahit isang araw

Siguro masmadaling huminga
Siguro masmagaan ang aking nadarama
Siguro masmalaya sa mapanghusgang mga mata

May Bahid Halimuyak

Dalawang linggo lang ang ilalagi mo sa maynila,
Nililibot mo na ang buong lungsod,
Kinakabisado ang bawat kalye,
Binibilang ang mga barya,
Walang sawang takatak ng iyong telepono,
Ang bawat sandali ay mahalaga,

Bitbit mo ang iyong bag,
maya't maya ay kinakapa ang wallet
Binabalikan ang mga alaala
Kinabisado ang mga pangalan at mukha
Sumusulyap at Bumubuntong hininga

Panay-panay pa rin ang mensahe mo
maya't maya ang kamusta
Tinatawanan ang bawat sandali
Inaabangan ang bawat salita
Sinusulit ang bawat pagkakataon

Habang binabagtas ang kalsada ay
Inaawit ang mga awit ng paglaya
Nakatiklop ang iyong mga daliri sa aking kamay
Nakapasan ang iyong braso sa aking likuran
Namamaalam ang iyong tanaw
Nakamatyag ang bawat ngiti
Ninakaw ang lumilipas na panahon

Dalawang linggo lang ang ilalagi mo sa maynila,
Dalawang linggo na sana ay sasapat hanggang sa
pagbalik mo sa maynila

Tao po!

pasensya kung madalas ay pag-ibig ang aking tinatala.. yun lang kasi ang kaya ko munang sabihin.. pag seryoso kasi mahirap gawin madalas


Tao po


Tok! Tok! Tok!
walang sumasagot

kumakahol ang aso sa labas
Nakatitig ang mga tambay sa harap
Nag-uusisa

Wala naman

Di mapakali
Ang pinto ay nakasusi
Nakikiramdam
Baka may sumagot
Baka may magbukas ng pinto

Naninibago
Nag-iisip
Ala naman akong susi
Di ako makapasok

" wala ko masayod nganu imo kong gusto"

Ano raw?
di man ako sanay magbisaya
Kamot sa ulo

"ay tao po? pwede po pumasok?"

Labo
di na sumagot
Ayun umuwi na lang ako

bitbit ang balisang mukha
natunganga
ah.. ganun.. sige..

Ang ating Pagitan

Mga himig ng musika
nangungusap ng higit sa mga salita

Mga tula't talata
nagpapasidhi ng ating pangungulila

Mga katahimikan at pag-iisa
nagpapaalala sa ating musika

Mga tawagan
nagpapaalam sa huling patak ng sentimo

Mga yakap
Mga ngiti
Mga hawak
Mga bulungan
Mga saglit na sandali

Mga pagitan
Mga hinaharap
Mga patuloy
Mga pinagdadaanan

Magpakabuti ka

Nasa bingit ng kaba. Tumitiklop na ang aking noo dahil sa bigat ng aking paninindigan.

'Dapat daw kasi, para balang araw ay patuloy na paniwalaan.'

Madalas na kung sumikip ang aking dibdib di na dala ng alak o ng sigarilyo. Dala ng walang patid na pag-aalala, di sa pag-ibig kundi sa kinabukasan. Madalas man akong lutang, dinadahilan ko ay maraming lang problemang bumabagabag. Mahilig kasi ako magpalaki ng butas sa maliit na tastas.

'Baka nga pinapalala ko lang o sobra lang ako nagaalala'

Alintana ko ang daing ng aking ina..

"Magpakabuti ka, bilang mamamayan at bilang anak ng aking kabahayan. Matanda na ako, matanda na ako di ko na kayang gampanan ang pampinansyal na pangangailangan. Ikaw bata ka pa, marami ka pang iniisip, malayo pa ang ikakampay ng iyong mga pakpak para suungin ang iyong mga pangarap. Isukob mo kami sa iyong alintana. Isama mo kami sa iyong mga pangarap."

Hinalikan niya ang aking pisngi at nilapat ang mga salita sa aking tainga..

"Sinusuportahan ka namin sa iyong tinatahak na landas"

Mainit na yakap na dala ng kaniyang bisig, pampalakas ng loob. Di naman ako naiyak. Kinakabahan lang. Mas lalong bumigat ang aking nadarama, sanhi ng kaniyang pagtitiwala sa akin 'ang pinakamahusay niyang anak'.

Malabo na sa akin ang mga paliwanag ng aking mga kaibigan, parang sirang plaka ng kasagutan. Pero di pa rin nagbago ang aking inaasam. Bitbit ko ang pulso ng lipunan. Ipagapatuloy ko.

Para sa Minamahal kong Baliw na Saging

Maraming Salamat sa halos dalawang taong pagtiyatiyaga sa akin, ang pinakapasaway na ako. Salamat sa masasayang alaala at sa mga karanasang itinuro niyo sa akin. Ipinatimo niyo sa akin ang pagsunod sa simbuyo ng aking sining at damdamin. Ito ang naging dahilan ng aking patuloy na paglago bilang isang alagad ng sining.

Sa aking paglalakbay hindi mawawala ang mga aral at tutorials na ibinigay niyo sa akin. Ang mga tawanan at gaguhan, ang professionalism at punctualility na unti unti ko nang natutunan. Ito'y aking pag-iingatan at maslalo pang palalguin.

Mahirap man sa akin ang naging desisyon ko, dahil hilaw pa ko sa karanasan.
Di naman ako totally mawawala. Kailangan ko lang matutong mahinog mag-isa at mag-ayos ng mga bagay bagay ko sa buhay. Salamat ng marami sa lahat :)

Garantiya ng Pagbabalik

Pulos mukha ang aking ginuguhit
Pulos mukha ng pagaalala
Beer pa rin ang kaharap
Ang tanging kausap sa magdamag
Ilang ulit ko na ring tinanong dito
Ano ba ang saysay mo sa akin?
Kundi saglit na pagkalimot
kundi mapanglaw na mga mata
Lalong nagpapalabo sa mga tanong
habang hinihigop ng tiyan
ang droga ng mga nagmamahal

Datapwat hindi ito para lang sa isang iniirog
HIndi rin para lang sa sarili

para sa mga nakataas na kamo
para sa mga panindigan
para sa mga pagmamahal
kahit lumalabo na ang gabi
kahit sumusuray suray na sa daan
patuloy pa rin ang pagdagsa ng katanungan
patuloy pa rin ang nakakabagabag na kasagutan
Bakit kaya hindi ko ito matanggap hanggang sa ngayon?

Sa totoo lang
Hindi ko na kailangang magtanong
Hndi ko na kailangang malumbay
Dahil matagal ko nang alam ang kasagutan
Marahil hindi pa mahigpit ang pagkaka yakap ng aking bisig
Malayo pa ang pinapangarap ng aking mga mata
Hindi pa ganoong dumadaly ang kanilang dugo sa aking puso
Hindi ako magsasawang magmahal
Aalalahanin ko ang mga kasagutang sumsabog sa aking pagkatao

Tama nga sila
Hindi paalam ang sinasabi sa pag-alis
kahit katahimikang hatid ng nagliliyab na damdamin
ay sapat nang garantiya ng pagbabalik

Kamusta na?

Kamusta ka na?

Bitbit ko pa rin ang panyong ibinigay mo,
pinampunas sa aking pawis
Pinangtali sa buhok
Pinang takip sa aking mukha
Habang sabay sabay ang ating mga yabag
patungo sa mendiola

Hindi ko kinakalimutang labhan itiklop at itago
Kahit minsan ay naisasantabi ko
Hindi pa rin ako mapakali pag nawawala ito sa tukador ko

Hinahanap ka na rin pala ng pasumano ko
Nais daw niyang humimlay kang muli sa tabi nito
pagsabitan ng mga nilabhan mong damit o di kaya'y
pagpatungan lang ng maligamgam mong kape
minsan naman dumalaw ka

Bakit ang pait ng tsokolate?

Mapait ang tsokolate. Kahit paborito ko ito minsan nangingiwi na ang aking mukha sa sobrang pait nito. Pag ganito kasi puro ang cocoa at kaunti ang tamis. Hindi ko nga alam kung bakit ko ito kinakahiligan kahit alam kong sa kakain ko nito ay maari akong mamatay sa sakit sa puso. Pero parang kape, lalong sumasarap ang tsokolate dahil sa mapait na lasa nito. Siguro depende na lang sa tao kung anu ang ihahalo niya sa mainit, nakakapaso, malinamnam, nakkaginhawang tsokolate. Sanay ngiti sa bawat labi ng titikim nito. Kaysa sa pait na kadalasang nararanasan ko.

Ang huling gabi sa aking Pasumano

Malamig ang gabi. Kakatapos lang ng ulan. Malamig ang hamog na nanatili sa hangin. Inabot ako ng kalungkutan sa pagdampi ng hangin sa aking pisngi. Namuo ang asin sa gilid ng aking mata.

Sabay ng pagtulo nito ay ang pagtaas ng usok sa labas ng aking bintana. Nananatili pa rin ang katahimikan, habang pinipilit kong takpan ng mga paborito kong musika.

A, ito na ang huli kong paghimlay sa aking silid, hindi na ako makakatuntong muli sa aking pasumano. Kung saan tuwing umaga ay nilalagyan ko ng unan at pinapatungan ng kape habang masayang binabati ang bukang liwayway.

Mahaba rin ang pinagsamahan namin. Mula sa madalas na kwentuhan ng aking mga pinakamatalik na kaibigan, dahil tinatamad kaming gumising. Hinihintay naming masikatan ang buong silid ng sinag ng araw bago kami mapilitang tumayo. Uutusan na si Tin na kumuha ng kape at sabay na kaming magkwekwentuhan kung ano ang balak namin sa araw na iyon.

Hanggang sa gabi ng paghimlay kasama ang hindi ko makalimutang panaginip. Iisa lamang ang naitago kong litrato kasama siya. At alam kong hindi na iyon mauulit.

Kasabay ng aking pag-iwan sa pasumano ay ang pagtago sa mga alaalang nanatili pa rin sa aking isipan. Siguro nga masyado akong sentimental. Pero hindi ko maalis ang damdaming ito. Matagal akong makakalimot ng ganitong mga alaala. Mahirap sa akin ang pagbitiw. At dahil doon isang dekada ng mga papel mula sa aking mga guhit hanggang sa mga sulat ang aking kailangan nang sunugin. Hindi na raw kailangan ng kalat sa bago naming lilipatan sabi ng ina ko.

Siguro nga, siguro nga kailangan ko nang makakalimot. Paalam aking pasumano. Mananatili ka sa aking mga ipipinta. At kung sakaling magkaroon ako ng sariling bahay. Katulad ng pasumanong ito ang aking ipapagawa. ##

Text

Kung yaring buhay ko ay silid na munti,
bukodtanging ikaw ang magmamay-ari
alak ng ligaya ang hain palagi,
sa ibang anyaya pinto'y nakasusi

A, walangpagsintang ligtas sa pighati.
Mahahabang gabing ako'y iyong tintakot
ng iyong paglimot,ngunit iya'y
luksang panibugho ng aking pag-irog

~Amado V. Hernandez